Resignation ng ‘narco’ judge, tinabla ng SC; Bato binalingan | Get Daily Trending and Viral topics in Politics, Showbiz, News, Sports and Entertainmen DUTERTE TODAY

0


Hindi tinanggap ng Supreme Court (SC) ang inihaing ‘irrevocable resignation’ ng isang Hukom sa Siargao na kasama sa pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ‘narco’ judge o protektor ng sindikato sa droga sa bansa.

Kasabay nito, inatasan ng SC si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na gawing pormal ang reklamo laban sa apat na hukom na nakapaloob sa Duterte list.

Ayon kay SC Spokesman Theodore Te, tablado sa SC ang resignation ni Judge Ezekiel Dagala ng Dapo Municipal Trial Court (MTC) dahil nagsasagawa na ng “administrative probe” ang SC bago pa man siya pinangalanan ni Pangulong Duterte.

Ang irrevocable resignation ay isinumite ni Dagala noong Agosto 8 sa tanggapan ni SC Administrator Jose Midas Marquez.

Una nang sinabi ni Dagala na ipinasiya niyang magbitiw sa tungkulin para maiwasan ang pagdududa ng publiko na nagkakaroon ng hindi parehas na imbestigasyon.

Samantala, sinabi ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno na pormal nang sinampahan ng administrative complaint at suspendido na rin sa tungkulin ang isang hukom na hindi pinangalanan.

Ipinaalam na rin umano kay Pangulong Duterte na ang SC ay nag-iimbestiga sa mga hukom na wala sa tinaguriang ‘Digong list’.

Si retired SC Justice Roberto Abad ang namumuno sa probe team ng SC at inaasahang matatapos ang independenteng imbestigasyon ng hudikatura sa loob ng isang buwan.

Hinggil naman sa direktiba kay Dela Rosa at maging kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director Gen. Isidro Lapeña, napag-alaman kay Te na mayroong pitong araw ang dalawang opisyal para bigyan ng kopya ng kanilang ‘formal complaint’ laban sa tinukoy na narco judges ang Korte Suprema.


Post a Comment

Loading...
 
Top